MANILA, Philippines - Arestado ang isang estudyante na pinaniniwalaang drug mule na nahulihan ng 4.8 kilo na cocaine na may street value na P25 milyon matapos itong dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 galing Brazil via Dubai sakay ng Emirates Airlines flight EK-332, kamakalawa.
Kinilala ang suspek na isang Jonjon Villamin, 22, kung saan nakuha sa kanyang handcarried bag ang kilo-kilong cocaine.
Ayon sa impormasyon, ginawa umanong drug mule si Villamin pero galing muna umano ito sa Hongkong na tumagal ng sampung araw bago ito nagpunta sa Brazil at may limang araw nanatili doon.
Ang cocaine ay nakitang nakahalo sa dala niyang bagahe na may mga lamang damit at mga pasalubong.
Sinasabi ng ilang narcotics task group sa airport na ipapasa diumano ni Villamin ang cocaine sa sasalubong na contact person dito pero itinanggi niya na kanya ang maleta dahil galing lamang daw ito sa isang kaibigan.
Matatandaan na ganito rin halos ang sinabi ng isang American citizen na nahuli noong Agosto sa Clark International Airport na nagtangkang magpuslit ng cocaine at galing din itong Brazil.