MANILA, Philippines - Tukoy na umano ng Manila Police District (MPD) ang ilang Chinese drug lords na nag-ooperate sa Binondo, gayundin ang ilang Muslim drug personalities na ngayon ay kanila na nilang minamatiyagan.
Ito ang sinabi ni P/Sr. Supt. Marcelino Pedrozo, deputy director for operations ng MPD sa panayam sa Manila City Hall kung saan sinabi nito na iisa-isahin na nila ang mga drug lords alinsunod na rin sa kautusan ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Ayon kay Pedrozo, pinaiigting nila ang kampanya laban sa illegal na droga sa pamamagitan ng pagdakip sa mga drug lords at ‘big-time’ drug traffickers sa Maynila.
Gayunman, tumanggi muna si Pedrozo na tukuyin ang mga drug syndicate at drug personalities sa pangamba na masunog ang kanilang operasyon. Subalit tiniyak nito na aalisin niya sa Maynila ang mga ito.
Ayon naman kay Estrada, handa siyang magbigay ng hanggang P100,000 sa sinumang makakapagturo sa mga wanted na drug personalities sa lungsod.
Kilalang anti-drug crusader si Estrada simula pa noong matalaga siyang presidential adviser on Crime Prevention and Law Enforcement at chairman ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC) noong siya ay bise presidente noong ‘90s.
Itinayo niya ang Philippine Drug Abuse Resistance Education (PhilDARE) Program noong Agosto 24, 1993 upang ilayo ang kabataan sa droga.
Sa ngayon, tanging Maynila lang ang mayroong aktibong DARE sa buong National Capital Region (NCR). Ayon kay Pedrozo, todo suporta si Mayor Estrada sa kampanya laban sa iligal droga mula nang maupo siyang mayor noong 2013.