Ukranian seaman pinigil sa NAIA
MANILA, Philippines - Hindi pinayagang makaalis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang isa sa 13 Ukranian seaman matapos itong magwala dahil sa sobrang kalasingan.
Ang pasahero ay kinila-lang si Zhyltsov Sergiy, 31, isang Ukranian national na pupunta sanang Hongkong na habang inaantay ang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) na sasakyan nila sa pre-boarding area ay bigla itong magwala.
Mabilis na rumesponde sa nasabing lugar sina AP02 Ricardo B. Ongtawco at AP01 E. Poblete, matapos silang makatanggap ng tawag na may nagwawalang pasahero at may mga nagsusuntukan din.
Ayon sa ulat, si Sergiy at Ivan Karatayev ang nag-away habang inaawat diumano ng huli ang una dahil sa kakulitan nito at nanggugulo sa paliparan.
Dahil sa malalaking tao ang mga banyaga ay nagdatingan din ang Philippine National Police Aviation Security Group (Avsegroup) at tumulong sa airport police na umaawat.
Napag-alaman sa imbestigasyon bumili ng dalawang boteng alak sa Duty Free Shop ang mga dayuhang seamen sa may pre-departure area at pagkatapos ay nag-inuman sa paliparan hanggang maubos ni Sergiy ang mga alak na kanilang binili. Dahil sa sobrang kalasingan nagwala si Sergiy at dahil sa pangyayaring suntukan nagkasugat ito sa ilong kaya naman hindi na siya pinasakay ng eroplano samantala ang nakaaway niya na si Karatayev ay pinayagan makaalis ng bansa.
- Latest