MANILA, Philippines – Patuloy ang paglala at pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang lugar sa Maynila na kailangan na tutukan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Sa panayam sa mga motorista tila walang ginagawang pagkilos ang mga enforcers ng MTPB na nakatalaga sa lugar na kinabibilangan ng Blumentritt, Avenida, Tayuman, Bambang, Recto, U.N, Kalaw at Jose Abad Santos upang maging mabilis ang daloy ng mga sasakyan sa mga nabanggit na lugar.
Ayon sa ilang mga motorista, wala umanong pagbabago ang daloy ng trapiko sa mga nabanggit na lugar samantalang sandamakmak ang mga nakatalaga na dapat ay nagmimintine ng daloy ng mga sasakyan.
Anila, may mga komunikasyon naman ang mga traffic enforcers na nakatalaga sa mga nabanggit na lugar kung kaya’t namomonitor ng mga ito ang sitwasyon at daloy ng sasakyan.
Dumadagdag pa umano rito ang mga walang disiplina at mga pasaway na mga jeepney driver na bigla bigla na lamang nagbababa at nagsasakay.
Apela ng mga motorista kay Manila Mayor Joseph Estrada at MTPB Director Benjamin Feliciano na balasahin ang mga traffic enforcer na hindi pursigido sa kanilang trabaho at upang maiwasan ang ‘familiarity’ sa lugar.
Tila ang mga jeepney drivers pa ang nasusunod sa kalsada at binabalewala ang traffic lights at mga enforcers.