Chinese drug trafficker timbog sa P50-M drug bust
MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng pulisya ang isang 38-anyos na Chinese drug trafficker kasabay sa pagkakasamsam sa 10 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P50 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa San Juan City, Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Chief Inspector Roberto Razon Sr., hepe ng Regional Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (RAID-SOTG) ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang nasakoteng suspect na si Jinfa Wang, tubong Fujian, China at naninirahan sa Ongpin St., Binondo, Manila.
Bandang alas-11:30 ng gabi ng isagawa ang operasyon sa Brgy. Greenhills, San Juan City.
Sinabi ni Razon na nasakote si Wang matapos itong magbenta ng 10 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P10-M sa poseur-buyer ng RAID-SOTG .
Bukod sa shabu nasamsam din sa suspect ang isang kulay itim na Toyota Innova.
Inihayag ng opisyal na isinagawa ang operasyon matapos ang dalawang linggong surveillance laban kay Wang makaraang makatanggap ng impormasyon sa talamak nitong pagbebenta ng illegal na droga.
Nabatid pa na bahagi ito ng follow-up operation sa ma-tagumpay na buy bust operation kamakailan sa Greenmeadows Avenue sa kung saan dalawang pinaghihinalaang big time drug dealer din ang nasakote habang nasa P100-M shabu naman ang nasamsam.
Kasalukuyan na ngayong nakaditine sa detention cell ng RAID-SOTG ang nasakoteng suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest