12-wheeler container truck nagliyab
MANILA, Philippines – Nagulantang ang mga motoristang bumibiyahe sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City makaraang biglang magliyab ang isang 12-wheeler container truck na bumibiyahe dito kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection, alas-5:37 ng umaga ng magliyab ang Wingtype truck container van (RHW-185) na minamaneho ng isang Manny Segundo na naglalaman ng mga sari-saring chicheria habang binabagtas ang northbound lane ng Katipunan Avenue harap ng Ateneo University sa lungsod.
Patungong Marilao, Bulacan ang truck para ihatid ang kanilang produkto nang biglang may umusok sa gawing hulihan nito. Tinangka pang apulahin ng driver ang umusok na truck subalit naubusan ito ng tubig at lalong naglagablab kung kaya nagpasya si Segundo na tanggalin sa pagkakakabit ang van sa truck.
Wala namang nasaktan sa insidente pero nagdulot naman ito ng bahagyang trapik sa lugar dagdag pa ang mga nagkalat na chicheria sa kalye. Problema sa koneksyon ng kuryente ang tinitignang sanhi ng nasabing pagliyab ng truck.
- Latest