MANILA, Philippines – Isang mister, na pinaniniwalaang sangkot sa ipinagbabawal na gamot ang pinagbabaril at napatay ng isang motorcycle rider, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Roldan Catindoy, 37, nakatira sa Tramo St., ng naturang lungsod sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa mukha buhat sa kalibre .45 baril.
Lumalabas sa report na natanggap ni Senior Supt. Joel B. Doria, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-10:45 ng gabi sa panulukan ng Gil Puyat Avenue at Tramo, Brgy. 46, Zone 6 ng naturang lungsod.
Nabatid na nakatayo ang biktima sa naturang lugar nang biglang dumating ang isang motorsiklong walang plaka. Tinawag pa umano ng suspect ang biktima.
Paglingon ng biktima ay walang sabi-sabing binaril ito ng ilang ulit sa mukha na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek.
Tinitignan ng Pasay City Police, ang anggulong may kinalaman sa droga ang naganap na pamamaslang sa biktima dahil sangkot umano ito sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa naturang lugar.
Binubusisi na ng pulisya kung nakuhanan ng CCTV camera ang naganap na pamamaril.