MANILA, Philippines – Gagawing tourist destination at fisherman’s wharf ng pamahalaang lungsod ng Paranaque ang mga lumang gusali na matatagpuan sa kahabaan ng Coastal Road.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ang “fisherman’s wharf” o tatawaging “Bulungan sa Parañaque” ay magiging bagsakan ng mga sariwang isda at lamang dagat mula sa Manila Bay.
Sinabi ni Olivarez, bukod dito, magiging isa rin itong tourist destination dahil magkakaroon dito ng retail at souvenir stores, palengke at mga seafood restaurants kung saan pwedeng ipaluto ang mga nabiling sariwang isda.
Magkakaroon din ng ferry pier sa lugar kung saan ang mga local at foreign tourist mula sa PAGCOR Entertainment City ay pwedeng sumakay ng ferry papunta sa lugar.
“It will just a 15-minute ferry ride from Entertainment City going to the “Bulungan. We will also offer boat rides for local and foreign tourists,” paliwanag ng mayor.
Sinabi ni Olivarez, ang Bulungan ay magiging event place o kahit mini-concert venue. “Pwede rin dito ganapin ang firework display tuwing Pasko dahil malawak ang lugar.”
Ayon sa engineering plan, magkakaroon din ng mga floating restaurants sa gitna ng wharf at Freedom Island na kasalukuyang sa pangangalaga ng Department of Environment and Natural Resources.
Dagdag pa ni Olivarez, ang Bulungan, na magiging bagsakan ng mga sariwang laman dagat at produktong agrikultura mula sa ibang bayan tulad ng Cavite at Laguna, ay kumpleto sa parking area at jeep at taxi terminals.