MANILA, Philippines – Nais ibalik ni three termer Manila 5th district Congressman Amado S. Bagatsing bilang “business friendly city” ang lungsod, sakaling palaring manalo bilang alkalde sa darating na eleksyon.
Ang reaksyong ito ay bunsod ng kaliwa’t kanang reklamo na kanyang natatanggap sa kanyang pagharap sa iba’t- ibang hanay ng mga negosyante sa lungsod ng Maynila, lalo na’t ngayong buwan, panahon ng bayaran ng business tax.
Aniya, dumadaing ang mga business sectors sa Maynila, maliit man o malaki dahil sa ipinatutupad na pagtaas ng 314% ng business tax at 200% naman para sa real property tax na ipinatupad sa panahon ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Ayon sa kongresista, iniinda ng mga negosyante ang pagtaas ng buwis. Malaki umanong epekto ito sa kanilang negosyo na nagiging dahilan aniya ng pagsasara ng ibang establisimiyento sa lungsod at ang paglipat sa ibang siyudad sa Metro Manila, katulad ng Quezon City, Pasay, Makati, at Taguig.
Ani Bagatsing, ngayon pa lamang umano ay nakikita na ang epekto ng hakbang na ito ni Estrada hindi lamang sa mga negosyante, bagkus maging sa mga residente ng Maynila na siyang nagtatrabaho sa mga business establishments na nagsara at iniwan ang lungsod.
“Wag ka nang lumayo, tingnan mo yung mga business establishments diyan sa Ermita, Malate, at Escolta napakaraming puwesto na nagsara at lumipat sa ibang city. Kung kaya’t yung mga business owners na natitira sa mga lugar na ‘yan ay talaga namang dumadaing dahil bukod sa napakataas na business tax at real property tax, walang nakukuhang suporta ang mga ito mula sa local government. Puro lang pangako, hindi naman tinutupad.
Aanhin mo ang pangako? Ang kailangan ng mamamayan ng Maynila ay solusyon. According pa sa mga nakakausap ko, buti pa sana daw yung pagtataas nila ng tax ay may balik na magandang serbisyo para sa kanila,’ kaso wala eh,” paliwanag ni Bagatsing.