MANILA, Philippines – Simula na ang panghuhuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pribadong motorista na papasok sa yellow lanes sa southbound ng EDSA mula Shaw Boulevard hanggang Guadalupe sa Makati City.
Sinabi ni Emerson Carlos, hepe ng MMDA, ang panghuhuli ay matapos ang isang linggong paninita ng kanilang mga tauhan. Ito umano ay pilot project ng ahensya upang mabatid kung epektibo ito para mapabilis ang takbo ng mga bus.
Aminado si Carlos na labis ang pagbagal ng trapiko sa EDSA at maging sa ibang kalsada sa Metro Manila dahil sa pagdami ng mga pribadong sasakyan na hindi na makayanan ng “engineering infrastructure” ng pamahalaan.
Mag-uumpisang maniket na ang mga tauhan ng MMDA ngunit pinag-aaralan ng ahensya kasama ang PNP- Highway Patrol Group na ibalik ang “no contact policy” na kukunin na lamang ang plaka ng behikulo at ihahatid sa bahay ang traffic violation receipt.
Idiniin ng MMDA na kabilang rin sa bawal dumaan sa mga yellow lanes ang mga taxi at maging mga “Asian utility vehicles for hire”.
Nilinaw naman ni Carlos na maaari pa ring pansamantalang pumasok sa yellow lanes kung may establisimiyentong pupuntahan sa lugar o kung papasok sa service roads. Magbabantay naman ang mga enforcers kung magbababad ang mga pribadong motorista na magpapalusot lamang.