MANILA, Philippines – Isa ang patay habang lima ang sugatan kabilang ang dalawang nasa malubhang kalagayan, nang matumbok ng tren ang sinasakyan nilang pampasaherong dyip sa riles ng Pedro Gil sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital si Bernardita Matias, 57, clerk sa M. Hizon Elementary School.
Sa ulat ni SPO2 Mario Lising, ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nilalapatan pa ng lunas sa Lourdes Hospital ang mga biktimang sina Carilla Gildret, 30, Overseas Filipino Worker (OFW), ng Ri-ver City Residences, Sta. Ana, Maynila at Glecy Yai, 41, cashier na nasa Philippine General Hospital.
Nakauwi na ng bahay ang tatlo pang su-gatan na sina Romeo Gragasin, 57, aircon technician; Paul Vincent Aquilino, 18, estudyante; at Elizabeth Queen Magat, 19, estudyante.
Nabatid na alas- 7:00 ng gabi kamaka-lawa nang maganap ang insidente sa P. Gil sa panulukan ng Quirino Avenue, kung saan natumbok ng tren ng PNR ang dyip na may plakang PCV 165 na minamaneho ni Marlon Verdida at may rutang Sta. Ana-Padre Faura.
May nakakita na hinabol pa umano ng dyip ang pagbaba ng barrier ng railroad crossing kaya inabot ito ng paparating na tren at nang matumbok ay bumangga naman sa isang aluminum delivery van. (With trainees Apple Cagata, Andrea Abello at Angel Natalio)