MANILA, Philippines – Isang 20-taong anyos na estudyante na kaka-birthday pa lamang ang nasawi sa sunog na naganap sa Marikina City, kahapon ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Salvador Aller, nakatira sa Chorillo St., Brgy. Barangka Marikina City.
Ayon sa report, nag-inuman ang biktima at kanyang mga bisita dahil sa birthday nito kaya umaga na noong matulog hanggang sa maganap ang sunog.
Mabilis namang gini-sing at kinatok ng kanyang mga kasambahay ang kuwarto ng biktima pero naalimpungatan ito at sa halip na lumabas ng bahay ay nagtago ito sa comfort room kung saan pinaniniwalaang doon ito nasuffocate.
Nabatid mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa Marikina na ang sunog ay naganap dakong alas-6:45 ng umaga sa ikalawang palapag na bahay ng biktima.
Sa inisyal na imbestigayon, sinasabing mula sa nag-over heat na electric fan ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa kabuang tahanan ng pamilya at nadamay pa ang may 10 pamilya.
Ayon sa mga kagawad ng bumbero, naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil pawang gawa lamang sa kahoy o light materials ang mga natupok na tahanan na umabot sa ikatlong alarma at idineklarang fireout dakong alas-7:55 ng umaga.
Samantala, isa pang sunog ang tumupok sa dalawang bahay sa Brgy. Sto Niño, Marikina City.
Walang naiulat na nasaktan o nasawi ikalawang sunog na nagsimula alas-8:39 na naapula rin bandang 8:45 ng umaga.
Sa Valenzuela naman, nasunog din ang isang pabrika ng sako, kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Valenzuela Fire Department, dakong alas-6:12 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa Fu Hao Sacks Manufacturing Corporation sa may F. Dela Cruz Street, Brgy. Maysan, ng naturang lungsod.
Ayon kay Fire Marshall, Supt. Jonas Villanueva, tinututukan nila ang faulty electrical wiring sa mga makina ang pinagmulan ng apoy na tuluyang tumupok sa pabrika.
Dakong alas-6:49 ng umaga nang ideklara ng mga bumbero ang fire under control status. Masuwerteng walang nasawi at nasaktan sa insidente. (Dagdag na report kay Danilo Garcia)