MANILA, Philippines – Magandang balita sa mga mananakay na tumatangkilik ng ‘point-to-point express bus service’ na unang tinawag na ‘Christmas Non-Stop Premium Bus Service’, dahil may discount o may bawas singil na ang pamasahe nito.
Ayon ito kay Cabinet Secretary at traffic czar Jose Rene Almendras sa isang press briefing na ginanap sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Makati City kamakalawa.
Dahil dito, sinasabing nakikitang dumarami ang tumatangkilik nito partikular ang mga private car owners.
Nabatid na sa kasalukuyan ay may tatlong ruta na ang mga non stop bus service kabilang dito ang mula Trinoma patungong Park Square, Ayala; SM North Edsa patungong Park Square Ayala at SM Megamall patungong Glorietta 5 at Park Square Terminal sa Makati.
Mula sa orihinal na pamasaheng P60 sa mga bumabiyahe mula Trinoma at SM North patungong Makati, ito’y ibinaba na sa P55 habang ang mga Persons with disabilities (PWDs), estudyante at senior citizens ay P40 pesos na lamang.
Sa mga bumabiyahe naman mula SM Megamall patungong Makati route, ibinaba na rin sa P40 ang standard fare para sa regular passengers, habang P30 naman sa persons with disabilities (PWDs), students and senior citizens.
Samantala, bibigyan rin ng 10 porsiyentong diskuwento kapag grupo ng lima katao ang sasakay mula sa standard rate.
Sa kasalukuyan ay nasa 20 buses ang nag-o-operate sa Kalakhang Maynila.