MANILA, Philippines – Magsasakay ang pamunuan ng Light Rail Transit (LRT) ng mga nakayapak na pasahero na makikiisa sa pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila sa Sabado.
Ayon kay LRTA spokesman Hernando Cabrera, inaasahan na nila ang pagdagsa ng maraming bilang na deboto na lalahok sa taunang prusisyon ng Itim na Nazareno mula sa Luneta patungo sa palibot ng Quiapo hanggang tuluyang muling maipasok sa simbahan.
Sinabi ni Cabrera, nagsagawa na sila ng mga kaukulang hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga deboto na pipiliing sumakay sa LRT Line 1 at Line 2 sa kanilang pagtungo sa Quiapo at pag-uwi sa kani-kanilang tahanan.
Aniya, handa ang kanilang mga tauhan at coaches para i-accommodate ang mga deboto.
Magpapatupad din ang pamunuan ng LRTA ng mahigpit na seguridad at ipapairal ang “No inspection, No Entry” policy.
Nabatid na noong nakaraang pista ng Nazareno ay nakapagtala ang LRTA ng 700,000 passengers sa LRT Line 1 bukod pa ang sa LRT-2.