Paslit patay sa ligaw na bala
MANILA, Philippines – Nadagdag ang isang 11-taong gulang na babae sa bilang ng mga nasawi dahil sa ligaw na bala sa kasagsagan ng selebrasyon sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Las Piñas City.
Sa naantalang ulat ng Las Piñas City Police, nakilala ang nasawi na si Darlene Gutierez, residente ng St. Vincent Ville, Mapayapa Village, ng naturang lungsod.
Sa salaysay ng ama ng biktima na si Roldan, umakyat ang kanyang anak sa ikatlong palapag ng bahay ng kapitbahay nitong bisperas ng Bagong Taon upang mas maayos na mapanood ang mga fireworks sa kanilang lugar.
Nagulat na lamang siya nang may magsabi sa kanya na may nangyari sa anak. Nang kanyang puntahan, nakita niya ang anak na buhat-buhat ng kapitbahay at wala nang malay habang duguan.
Agad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang paslit ngunit hindi na naisalba ang buhay nito dahil sa tama ng bala sa may sentido.
Humihingi naman ng katarungan ang pamilya Gutierez habang nakiusap sa Las Piñas Police na pabilisin ang imbestigasyon sa krimen.
Samantala, nakaligtas naman sa posibleng kamatayan si Amabeth Barredo, 48 ng No. 6103 Santos Compound, Brgy. Gen. T. De Leon, ng naturang lungsod nang madaplisan ng ligaw na bala sa kanyang likuran habang natutulog nitong bisperas ng Bagong Taon.
Sa ulat, natutulog na ang ginang dakong alas-12 ng hatinggabi nang makaramdam ng matinding hapdi sa likuran. Nang tignan ito ay dumudugo na ang sugat habang isang bala ang nakita sa kanilang higaan habang isang maliit na butas ang nakita sa kisame.
Sinabi ni PO3 Roberto Medrano Jr., may-hawak ng kaso, na agad na rumesponde ang mga tauhan ng Valenzuela City Police ngunit walang makuhang lead kung sino ang nagpaputok ng baril sa lugar.
Isinugod sa Valenzuela City Medical Center ang biktima na napalabas din naman agad nang malapatan ng lunas. Masuwerte pa rin umano ang ginang at nakatagilid ito sa paghiga nang tamaan ng bala.
- Latest