MANILA, Philippines – Dahil sa inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong deboto sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9, tiniyak naman ng Manila Police District ang seguridad nito kung saan puspusan ngayon ang ginagawa nilang paghahanda
Sinabi ni MPD Operations and Plans Division chief Lucile Faycho, bumuo na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng Task Force Nazareno para sa pinakakaabangang pagtitipon.
Magiging katuwang ng MPD ang Philippine Army, Department of Health, Philippine Red Cross (PRC), at Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagmamantine ng kaayusan sa paligid ng Quiapo Church sa panahon ng Traslacion o prusisyon.
Tulad ng nakaugalian, nakalatag na rin ang ruta ng Traslacion at inaasahang isasara ang ilang kalsada para sa pista, kabilang ang magkabilang lane ng Roxas Boulevard at Quezon Boulevard, gayundin ang Palanca at Dasmariñas streets, at Quezon, McArthur at Jones bridges.
Kasabay nito,nananawagan naman ang MPD sa mga matatanda at mga may sakit na huwag nang sumama sa prusisyon upang makaiwas sa disgrasya,gayundin ang mga bata.
Pinayuhan din ang mga deboto na huwag nang magsuot ng mga alahas at huwag na ring magdala ng maraming gamit upang hindi mabiktima ng mga kawatan, na inaasahang magsasamantala sa okasyon. Mas makabubuti rin na magbaon ng maraming tubig at pagkain upang panlaban sa uhaw at gutom.