MANILA, Philippines – Huhulihin at posibleng sa kulungan na salubungin ng mga maaarestong umiinom sa kalye ang bisperas ng Bagong Taon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio, ang pag-iinuman sa kalye ang nagiging ugat ng kaguluhan dahil madalas na nauuwi sa pikunan o kursunadahan kapag ang mga ito ay lango na sa alak habang nagkakasayahan.
Upang maging mapayapa at maayos na ipagdiwang ang Bagong Taon minarapat ng kapulisan na ipagbawal ang pag-inom sa kalye na matagal na rin anyang ipinapatupad na batas ng lokal na pamahalaan.
Samantala, magpapakalat din anya si Tinio ng mga karagdagang tauhan sa mga pangunahing lansangan, bukod pa sa mga mobile patrol na umiikot sa bawat barangay para masigurong mababantayan ang anuman magaganap na kaguluhan sa nasabing araw.
Paniniyak pa ng opisyal na ang kanyang mga tauhan ay visible sa mga lansangan at istasyon ng pulisya anumang oras para sa mga residente na mangangailangan ng tulong.