9 na pumugang preso sa MPD na-trap sa bakod, balik-selda
MANILA, Philippines – Naudlot ang pangarap na makapagdiwang ng Bagong Taon sa labas ng detention cell ang siyam na detainees ng Manila Police District-station 2 nang maalarma ang mga nakatalagang miyembro at habulin sila at muling naaresto sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nabatid na bago pa mag-alas-4:00 ng madaling araw nang magkaroon ng komosyon sa likod na bahagi ng Moriones Police Station na nadiskubreng may apat na preso ang nagtatangkang tumalon sa pader sa likod ng presinto.
Doon na nakita ng mga pulis na butas na ang pinaglalagyan ng exhaust fan at nalagari na ang grill na nasa bandang likod ng kulungan, na pinagdaanan ng mga pumuga.
Nakatakbo na ang 5 sa siyam habang ang apat ay na-trap umano dahil nabuking sila ng mga pulis.
Agad namang ipinatawag ni P/Supt. Nicolas Pinon ang mga operatiba ng presinto na nagtulong-tulong na habulin ang mga tumakas na naabutan pa ang iba sa kanilang lugar. Nadakip ding lahat ang 5 nakatakas dahil alam ng mga operatiba kung saan ang takbo nito at mga kabahayan nila.
Kabilang umano sa mga preso ang may kinakaharap na kasong illegal possession of firearm.
Sa inisyal na impormasyon, lagareng bakal ang ginamit sa nasabing pagtakas.
Hinihinalang ang mga dalaw ng preso ang nagsuplay ng lagare partikular ang mga asawa, nobya o kaibigang babae na hindi masyadong nakakapkapan sa pagdalaw nitong nakalipas na Pasko.
Posible umanong naghintay ng magandang pagkakataon ang mga preso na tahimik ang paligid at walang gaanong taong nakakalat sa kalye upang hindi mapansin ang kanilang pagtakas.
- Latest