2 salisi huli sa akto

2 salisi huli sa akto

MANILA, Philippines – Sa kulungan na ipinagdiwang ng isang lalaki at isang babae ang araw ng Pasko matapos na maaresto ng dahil sa pagnanakaw ng mga damit sa isang department store sa lungsod Quezon, kamakalawa.

Sa ulat ng Quezon City Police District Station 2, ang mga suspect ay kinilalang sina Macky Valerio, 31, at Maria Keren Almodiel, 27.

Sila ay kapwa inaresto ng security guard ng isang mall na si Henry Molito, 30, dahil sa tangkang pagnanakaw ng iba’t-ibang brand ng damit dito na tinatayang nagkakahalaga ng P8,000.

Sa imbestigasyon ni PO2 Ruel Casimo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may ikatlong palapag ng mall na matatagpuan sa Brgy. Bagong Pagasa, ganap na alas -4:30 ng hapon.

Bago ito, pumasok umano ang dalawa sa nasabing mall at kapwa nagkunwaring mga kostumer saka kumuha ng mga damit na nasa display rack at isinilid sa dala nilang eco bag saka lumabas ng store na hindi nagbabayad.

Lingid sa kanilang kaalaman ay natiktikan sila ng sekyu na si Molito na naka­suot ng sibilyan na agad silang nilapitan kung saan narekober sa kanila ang nasabing mga items. Nang tanungin kung may resibo ang mga gamit ay walang maipakita ang dalawa sanhi para sila dalhin sa himpilan ng pulisya at sampahan ng kasong theft.

Show comments