Lolo dedo sa sunog

MANILA, Philippines – Patay ang isang lolo na hinihinalang na-suffocate at tuluyang inatakle sa puso sa sunog na nagtagal lamang ng apat na minuto, sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Manila Fire Bureau Arson investigator Edelberto Cruz ang biktimang si Valentine Cañales, 90, ng Solis St., Tondo.

Batay sa ulat, umakyat lamang ng unang alarma at agad namang naapula  alas 11:16 ang sunog na nagsimula dakong 11:12 ng gabi ng Sabado sa silid ng biktima.

Pag-aari umano ng isang Remedios de Leon ang kuwarto na inokupahan ng biktima.

Samantala, may 20 pamilya naman ang nawalan ng tirahan sa isang sunog na tumupok sa isang two-storey apartment na matatagpuan sa Bataan St., Balic-balic, Sampaloc, Maynila.

Dalawang katao ang ini­ulat na nagtamo ng minor injuries sa naturang sunog na sumiklab dakong 4:07 ng madaling araw.

Ayon kay FO3 Oliver Sison, umabot ng ikatlong alarma ang sunog bago naapula dakong 5:04 ng madaling-araw.

Patuloy pang inaalam ang dahilan ng sunog.

Show comments