Ginugulangan sa sweldo 32-anyos dinedo ng binatilyo

Kinilala ang nasawing si Dante Mendoza helper sa JRV Forwarding at residente ng Brgy. Fatima 3, Dasmariñas, Cavite. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Todas ang isang 32-anyos na lalaki nang laslasin ang leeg at tarakan pa sa dibdib ng isang 15-anyos na binatilyo, na nagalit sa ‘panggugulang ‘umano ng una sa bayaran bilang helper sa construction  sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang nasawing si Dante Mendoza helper sa JRV Forwarding at residente ng Brgy. Fatima 3, Dasmariñas,  Cavite.

Timbog naman ang suspek na itinago sa pangalang MJ, 15-anyos, kasamahang helper ng biktima.

Sa ulat ni PO3 Michael Maraggun  ng MPD-Homicide Section, dakong alas- 4:30 ng hapon nang maganap ang  insidente sa ibaba ng flyover ng  Delpan Bridge sakop ng Brgy.18 Zone  2 .

Sa imbestigasyon, nakakuha lamang umano ng tiyempo ang suspek ng atakehin ang biktima nang muli silang magkasama bilang helper sa JRV Forwarding company dahil sa nakalipas na pagsasama nila bilang construction helper, dalawang beses na umanong di binigay ng biktima ang sahod nito kaya nagtanim ito ng galit.

Nagtangkang tumakas si MJ subalit  isinuko siya ng ina sa kanilang  bara-ngay officials at naiturn-over naman kaagad sa pulisya.

Show comments