Hostage sa Maynila: Sekyu, manager patay

Ang nakahandusay na bangkay ng security guard na si Fernando Cano matapos magbaril sa sarili. Sa kanan makikita ang ginawang pagtakas ng ilan sa mga empleyado matapos magsimulang mamaril ang suspect. Kuha nina Ludy Bermudo at Edd Gumban

MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi kabilang ang isang security guard na naburyong at nanghostage sa Sta Cruz, Maynila, kahapon ng hapon.

Dead on the spot ang suspek na sekyu na si Fernando Cano, 44, ng USWA Security Agency at residente ng Ramelon St., Bagong Barrio, Caloocan City matapos magbaril  sa kaniyang ulo sa gitna ng negosasyon gamit ang ka­­libre 38 service firearm.

Dead on arrival naman sa Chinese Ge­neral Hospital si Ricardo Me­sina, marketing mana­ger ng Chain Glass Enter­prises Inc. dahil sa da­la­­wang bala na tinamo sa dibdib, habang nasa kritikal na kondisyon ang company sales representative na si Victorino Salas na nilalapatan ng lunas sa nabanggit na pagamutan at isang Melanie Alejan­drino, na tinamaan sa braso.

Nabatid sa ulat ng Ma­nila Police District-Homicide Section na dakong alas-2:15 ng hapon nang makarinig ng putok ang mga pulis na nakaantabay sa nagaganap na stand off at nang tunguhin sa ika­lawang palapag ang gu­­wardiyang si Cano ay nakitang nakahandusay at duguan na ito na sinasabing nagbaril sa sarili.

Tinangka siyang pasukuin ng mga awtoridad sa pangunguna ni MPD director Chief Supt. Rolando Z. Nana  hanggang sa ipatawag ang maybahay nito na nakiusap sa suspek sa pamamagitan ng megaphone subalit walang pagsukong naganap.

Nauna rito, dakong ala-1:30 nang isugod ang tatlong biktima ng pamamaril sa nasabing ospital habang ang apat pang sinasabing hostage na hindi makalabas ay nasa ikalawang palapag. Nasa mahigit 30 namang kawani ng kompanya ang nagawa namang makalabas sa pamamagitan nang pagdaan sa likod na pintuan sa takot nang magwala at mamaril si Cano.

Nabatid na umaga nang magtungo sa nasabing kompanya ang mga iilang imbestigador ng MPD-Theft and Robbery Section para magsagawa ng ocular inspection at im­bestigahan ang mga em­pleyado hinggil sa pag­kawala ng milyong ha­laga ng cash at tseke ng kompanya.

Nang makaalis na uma­no ang grupo ng mga imbestigador na pinangu­ngunahan ni SPO2 Rodel Benitez, nagsimula na umano ang pambu-bully ang mga empleyado at sinasabihan umano si Cano na “Naku makukulong ka na...” hanggang sa mag-init ang ulo ng suspek at paputukan ang mga naroon sa loob ng establisemento.

Kabilang umano ang manager na tinamaan dahil masama umano ang loob ng guwardiya sa manager na madalas umanong pa­galitan ang guwardiya at bago nagwala ay nasabi pa na wala siyang  kinalaman sa nakawan.

Show comments