Pangangaroling sa kalsada bawal - Erap
MANILA, Philippines – Bibitbitin ang mga street dwellers o batang mangangaroling sa kalsada at sa mga sasakyan.
Ito ang binigyan diin ni Manila Mayor Joseph Estrada kaugnay ng paglipana ng mga batang nangangaroling at sumasampa sa mga pampublikong sasakyan.
Sa panayam kay Estrada, sinabi nito na hindi niya papayagang maglipana ang mga batang lansangan maging ang mga street dweller habang papalapit ang kapaskuhan. Mapanganib sa mga ito ang pagkalat sa daan kailangang protektahan ang mga ito dahil nasa huridiksiyon pa rin sila ng Maynila.
Sinabi ni Estrada na inatasan na niya ang Manila Police District na dalhin sa RAC o sa Boystown ang mga batang makukuha sa lansangan. Gayunman, pinapayagan naman na mangaroling sa mga bahay-bahay ang mga bata lalo pa’t ito rin ang kanilang ginagamit na pangtawid gutom.
Binigyan-diin din ni Estrada na patuloy naman ang kanilang mga paglilinis sa mga street dwellers kahit tapos na ang APEC dahil kailangan pa ring maitaas ang imahe at ganda ng lungsod. Kailangan mahikayat ang mga dayuhan at foreign investors upang mas marami pang proyektong maipagawa sa lungsod.
- Latest