MANILA, Philippines – Arestado ang 24 katao makaraang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region-Special Operation Task Group (NCRPO-SOTG) at Quezon City Police District (QCPD) ang isang kubol na ginagawang drug den sa lungsod kahapon ng hapon.
Ayon kay Chief Insp. Robert Razon, hepe ng NCRPO-SOTG, ang pagsalakay ay ginawa sa may kahabaan ng Palawan St., kanto ng Pampanga St., Barangay Sto Cristo, ganap na alas 2:30 ng hapon.
Isinagawa anya ang one time bigtime operation katuwang ang tropa ng QCPD station 2 sa pamumuno ni Supt. Christian Dela Cruz base sa impormasyon hingil sa talamak na bentahan at paggamit ng iligal na droga sa nasabing lugar.
Sa 24 na naaresto 10 sa mga ito ay babae habang 14 ang lalaki na pinaniniwalaang sangkot sa paggamit ng iligal na droga.
Nasamsam sa lugar ang may 66 piraso ng plastic sachet ng shabu, patalim at mga drug paraphernalia.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.