MANILA, Philippines – Limang pulis ang su-gatan nang magkagirian ang mga raliyista at security forces sa Liwasang Bonifacio at Buendia sa gitna ng demonstrasyon na kumokontra sa isinasagawang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Manila, kahapon ng umaga.
Tatlo sa mga pulis ay naka-confine ngayon sa Manila Doctors Hospital habang dalawa ang isinugod sa Ospital ng Maynila.
Kinilala ang mga nasugatan na sina PO1 Mark Andrew de la Cruz ng Bulacan Provincial Public Safety Company (PPSC), napukpok sa ulo ng raliyista at PO1 Rolando Suria na mula naman sa Regional Police Office (RPO) 3 sa Pampanga na nagtamo ng sugat sa tiyan. Sila’y kapwa nasugatan sa kilos protesta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Nagtamo rin ng sugat sa demonstrasyon sa nasabing lugar sina PO1 Rowel John Felipe ng Bulacan PPSC at PO1 Michael Angeles.
Samantala si SPO1 Darwin Lorenzo ay nasagasaan naman sa P. Burgos Street sa harapan ng Manila City Hall habang nagpapatupad ng tungkulin sa pagmamantina ng seguridad sa APEC Summit.
Samantala 10 militante naman ang sinasabing nasaktan din sa insidente.
Nabatid na nagpumilit umanong lumusot sa barikada ng mga pulis sa Liwasang Bonifacio ang mga raliyista upang magtungo sa Luneta sa pamamagitan ng pagmamartsa patu-ngong Roxas Blvd.
Nasugatan si Janima Makatangcop na miyembro ng LFS-Cagayan de Oro, nang tamaan sa mukha ng shield na panangga ng mga anti-riot police.
Isang lalaki at isang babaeng kabataang militante rin ang sinasabing pumutok ang ulo dahil nahampas ng yantok at isinugod sa ‘di pa batid na ospital.
Bunga ng pagsalakay ng mga militante ay nagkahampasan at harangan hanggang sa may madapa at madaganan, na nagtamo ng mga galos, gasgas at sugat sa tuhod na nabigyan naman ng paunang lunas mismo sa Liwasang Bonifacio.
Nagawang bombahin ng tubig ng mga bumbero ang mga raliyista dahilan upang sila ay magsialisan na.
Sumugod naman ang mga raliyista sa kahabaan ng Buendia Avenue, Roxas Boulevard at tinangka ng mga ito na pumasok sa PICC kung saan ginaganap ang APEC. Naharang sila ng mga pulis na nauwi rin sa girian at sakitan.
Kasabay nito, tiniyak ni APEC Security Task Force 2015 Commander at PNP Chief Director Ge-neral Ricardo Marquez, sasampahan nila ng kasong kriminal ang mga demonstrador na sangkot sa pagkasugat ng APEC cops na gumaganap lamang ng kanilang tungkulin upang maipatupad ang seguridad sa nasabing mahalagang event na iniho-host ng bansa.
“We are going to file charges to those violent demonstrators involved in the physical injuries of our police personnels,” ani Marquez na ipinagmalaki ang katapangan ng mga pulis na sa kabila ng karahasan ay hindi ginantihan ang mga militante at maximum tole-rance ang pinairal.
Idinepensa rin ng PNP ang paggamit nila ng water cannon laban sa mga bayolenteng raliyista upang malamigan ang mga ito at mapawi ang tumataas na emosyon.
Sa kabila nito ay wala namang naaresto ang mga pulis na bayolenteng mga raliyista.