MANILA, Philippines – Upang maipatupad ng 24 oras ang mahigpit na seguridad, nagtalaga ang APEC Security Task Force (ASTF) ng mga portable showers at portalets para magamit ng mga pulis, sundalo at iba pang law enforcers na naatasang mangalaga sa security sa idinaraos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Metro Manila.
Ayon kay PNP at ASTF Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor namahagi na ng mga portalets at portable showers ang kanilang mga donors para magamit partikular na ang mga APEC cops at maging ng counterparts ng mga ito sa AFP troops.
Bukod dito, sinabi ni Mayor na namahagi rin sila ng mga vaccine, toiletries, mga banig, kumot para magamit ng APEC security contingent.
Ayon sa opisyal sa bangketa na rin natutulog ng pakunti-kunting idlip na halinhinan lamang ang mga pulis para matiyak ang kapayapaan at kaligtasan ng mga head of states at iba pang mga delegado.
Samantala, nagbigay rin ang PNP ng mga karaoke magic sing along sa mga pulis na nagbabantay sa nasabing okasyon para panglibang sa mga ito dahil sa walang uwian na pagbabantay hanggang matapos ang summit.
Kahapon ay nagsagawa naman ng pag-iinspeksyon si PNP Chief Director General Ricardo Marquez at iba pang matataas na opisyal ng PNP sa mga nakadeploy na pulis sa APEC Summit.
Libu-libong security forces sa pangunguna ng PNP at AFP ang nakadeploy sa bisinidad ng 16 hotel na tinutuluyan ng mga delegado, komersyal na distrito kabilang ang Makati City, mga venue ng APEC Summit , isa rito ay ang Philippine International Convention Center (PICC), Mall of Asia (MOA) sa Pasay City maging ang World Trade Center.
Sa kaniyang pag-iinspeksyon sa APEC cops, inalam ni Marquez kung naibibigay ng maayos ang pagkain ng tropa at iba pang mga pangangailangan.
Kabilang pa sa binisita ni Marquez ay ang kahabaan ng Roxas Boulevard malapit sa World Trade Center, UN Avenue, Ocampo Street, F.B. Harrison at Gil Puyat (formerly Buendia) Avenue.
Kaugnay nito, inihayag pa ng opisyal na naging maayos ang pag-eescort ng mga pulis sa mga delegado at iba pang mga VIPs sa APEC Summit mula sa paliparan hanggang sa mga venue ng okasyon gayundin sa mga billeting area ng mga kinauukulan.
Idinagdag ng opisyal na bagaman may mga rally na inilunsad ng mga militanteng organisasyon sa dalawang lugar sa Manila ay maayos naman ang mga itong nabuwag ng security forces.