Re-routing inilatag Maynila, Pasay handa na sa APEC

Batay sa traffic advisory na ipinalabas ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) at ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB), nabatid na lahat ng kalsada na patungong Philippine International Convention Center (PICC), kung saan idaraos ang meeting ay isasarado mula 12:01 ng madaling-araw ng Lunes hanggang 12:00 ng madaling-araw ng Biyernes. Michael Varcas/Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Sarado na sa mga motorista ang mga kalye sa Maynila na maapektuhan ng pagdaraos ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Meeting simula ngayong Lunes.

Batay sa traffic advisory na ipinalabas ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) at ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB), nabatid na lahat ng kalsada na patungong Philippine International Convention Center (PICC), kung saan idaraos ang meeting ay isasarado mula 12:01 ng madaling-araw ng Lunes hanggang 12:00 ng madaling-araw ng Biyernes.

Kabilang dito ang kahabaan ng Roxas Blvd. north at southbound lane mula Katigbak hanggang P. Ocampo; kahabaan ng Roxas Blvd. ser­vice road mula Sta. Monica St. hanggang P. Ocampo; kahabaan ng Quirino Ave., mula Roxas Blvd. hanggang Adriatico St., kahabaan ng Century Park St. mula Adriatico hanggang Mabini St.; at ang kahabaan ng Mabini St. mula P. Ocampo hanggang Quirino Ave.

Maging ang southbound lane ng Adriatico mula Qui­rino Ave. hanggang Century Park St. ay hindi rin muna madaraanan, gayundin ang kahabaan ng P. Ocampo mula Adriatico hanggang Roxas Blvd. Apektado rin ng pagsasara ng daloy ng trapiko ang MH del Pilar St. mula Sta. Monica St.hanggang Malvar St.at ang kahabaan ng Pedro Gil St., mula Roxas Blvd. hanggang Mabini St.

Sa traffic re-routing scheme ng MDTEU, na lahat ng sasakyang mula northern part ng Manila/Pier Zone na nais na gumamit ng southbound lane ng Roxas Blvd. ay dapat kumaliwa sa P. Burgos, kanan sa Ma. Orosa, o Taft Ave. patungo sa kanilang destinasyon habang ang mga sasakyan namang mula southern part ng Manila na nais dumaan sa northbound lane ng Roxas Blvd. ay dapat kumanan sa Buendia, kaliwa sa Taft Ave. patungo sa destinasyon habang ang mga gagamit ng P. Ocampo mula Taft Ave.ay dapat kumanan sa Adriatico, kanan sa Le­veriza hanggang Quirino Ave. patungo sa destinasyon.

Ang mga sasakyan namang bibiyahe sa westbound lane ng Pres. Quirino mula sa Osmeña Highway (Plaza Dilao) area patungong Roxas Blvd. ay maaaring kumanan o kumaliwa sa Taft Ave. patungo sa kanilang destinasyon habang ang mga sasakyang mula sa Del Pilar St. na nais gumamit ng Roxas Blvd. ay dapat na kumaliwa sa Quirino Ave. patungong Taft Ave. hanggang sa kanilang patutunguhan.

Hindi rin papayagan ang pagpa-parking ng mga sasak­yan sa service road ng Roxas Blvd. mula T.M. Kalaw hanggang President Quirino Ave.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Manila Disaster Risk Reduction and Management Office Director Johnny Yu na umaabot sa 20 Automated External Defibrillator (AED) ang inilaan ng kompanyang Zoll bilang first aid sa mga cardiac arrest patients kung saan sisimulan ang paglalagay sa ilang staging area ngayong APEC.

Naglaan din ang kompanyang Pureforce ng ilang tablets na siyang magsasagawa ng monitoring ng mga rumes­ponde sa bawat insidente ng rescue.

Sinabi pa ni Yu na ang Task Group Erap ay itinalaga na sa ilang staging area bilang paghahanda sa APEC Ministerial Meeting.

Ang AED at tablets ay ipamamahagi din sa mga barangay sa Maynila.

Samantala, wala ding pahi­nga ngayon ang Pasay Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) ng pamahalaang lungsod ng Pasay upang matiyak ang agarang pagresponde sa mga posibleng emergency na magaganap sa huling pulong ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC).

Ayon kay Pasay City Mayor Antonino Calixto nakatutok ngayon ang mata ng mundo sa kanilang lungsod na magiging host ng ilang aktibidad ng APEC Leaders Meeting na itinuturing nitong isang “milestone” para sa lungsod.  Nasa 21 “world leaders” at 44 “economic ministers” ang inaasahang dadalo sa huling bahagi ng APEC Summit.

Upang tulungan ang APEC National Organizing Committee, nagtalaga na nito pang nakalipas na linggo ang Pasay DRRMO ng mga Rescue Teams sa mga istratehikong lugar kabilang ang Marriot Hotel sa Villamor; Heritage Hotel sa EDSA-Roxas Boulevard; at sa CITEM malapit sa World Trade Center sa kanto ng Buendia-Roxas Boulevard.

Nasa 22,000 tauhan rin ng pulisya ang itatalaga sa lahat ng venues ng APEC karamihan ay sa Pasay City.  Sinabi naman ni Pasay City Police chief, Sr. Supt.Joel Doria na tuluy-tuloy ang “clearing operations” sa lahat ng obstruksyon sa mga kalsada saTaft-Baclaran at iba pang lugar na gagawing alternatibong ruta dahil sa pagsasara ng mga normal na ruta ng mga sasakyan.

Show comments