Namemeke ng pera, gagamitin sa election -- Erap
MANILA, Philippines – Malaki ang paniniwala ni Manila Mayor Joseph Estrada na gagamitin sa elections ang mga grupo na nag-iimprenta ng pekeng pera.
Ang pahayag ni Estrada ay bunsod na rin ng pagkakadakip kina Edwin Cabaling, 30 at Ernani Cabaling, 33 kapwa ng no.803 Luzon St. Tondo, Maynila; Joel Celo, 33 ng no. 832 Luzon St. Tondo, Maynila at Nina Perez, 34 ng 1697 LRC Compound Sta. Cruz, Maynila sa Ruyi Lucky Hotel sa Binondo.
Ayon kay Estrada, hindi malayong proteksiyunan ng sindikato ang isang pulitiko gamit ang mga pekeng pera para pambayad at manalo sa halalan.
Subalit ayon kay Estrada naka-alerto na ang Manila Police District laban sa mga grupong nagsasagawa ng ganitong uri ng iligal na gawain.
Sinabi naman ni MPD Director Chief Supt. Rolando Nana na may direktiba na siya sa kanyang mga station commander na paigtingin ang kanilang monitoring at police visibility upang matukoy ang mga grupo na nanabotahe sa ekonomiya ng bansa.
Doble na rin ang kanilang isinasagawang checkpoints sa lungsod bilang paghahanda naman sa idaraos na Asia Pacific Economic Conference (APEC).
- Latest