Shoplifter na parak arestado
MANILA, Philippines – Bagsak sa kulungan ang isang babaeng bagitong miyembro ng Philippine National Police matapos arestuhin ng isang guwardiya ng mall dahil sa tangkang pag-u-umit ng mga aksesorya ng pang sanggol at pangdalagita na nagkakahalaga ng higit sa P5,000 sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection unit (QCPD-CIDU), ang pulis ay si PO1 Irene Pelagio, 26, nakatalaga sa Nagcarlan, Laguna Police Station. Siya ay inireklamo ng mall sa pamamagitan ng representante nito na si Ma. Lucia Ablao dahil sa tangkang pagtangay ng damit at aksesorya ng pang sanggol at pang teenager na aabot sa kabuuang halagang P5,517.50.
Base sa imbestigasyon ni SPO2 Cris Zaldariaga, may hawak mg kaso, nangyari ang insidente sa may ground floor ng isang mall sa Cubao, ganap na alas-4:30 ng hapon.
Ayon kay Zaldariaga, bago ang insidente, nakita umano ang pulis sa may infant and teens section na nasa ikalawang palapag ng mall kung saan ito namimili ng mga items.
Nang makapili na ay saka dumiretso ang suspect sa fitting room at makalipas ng ilang minuto ay lumabas bitbit ang ilang piraso ng pinili niyang damit at naiwan umano sa loob ang ilang items saka nagpunta sa counter at nagbayad.
Nang makabayad ay lumabas ng mall ang suspect pero maya-maya ay muli itong bumalik at nagtuloy sa fitting room kung saan inilagay umano nito sa dala niyang bag ang mga naiwang items.
Subalit ang hindi alam ng suspect ay nakamasid na sa kanya ang security guard ng mall at nang makita siya na palabas nang hindi nagbabayad sa cashier ay saka siya nilapitan at inimbitahan sa kanilang opisina, bago dinala sa QCPD Station 7 hanggang sa iturn over sa CIDU. Kasong theft ang kinakaharap ngayon ng nasabing pulis.
- Latest