Bubusisi sa kaso ng pinaslang na mediaman TG Jose binuo ng QCPD
MANILA, Philippines - Bumuo na ang Quezon City Police District (QCPD) ng isang Task Group na magreresolba sa pagpatay sa mamamahayag na si Jose Bernardo na pinagbabaril ng riding in tandem sa lungsod noong nakaraang Sabado.
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio, ang team na tinawag na Special Investigation Task Group Jose (SITGJ) ay naatasang magsagawa ng malalimang pagsisiyasat kung sino ang nasa likod ng krimen at mabatid kung may kinalaman ito sa trabaho ng biktima bilang mamamahayag.
Sabi ni Tinio, ang SITGJ ay binubuo ng CIDU, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Scene of the Crime Operatives (SOCO), Police station 5, kasama ang Deputy for Administration.
Kasabay nito, tiniyak din ni Tinio na mabibigyang hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Samantala, ayon kay QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit chief P/Chief Insp. Rodel Marcelo, sinisimulan na nilang alamin ang pagkatao ng mga salarin, partikular ang mga taong huling nakausap ni Bernardo at nagpapunta sa kanya sa lugar kung saan siya napaslang.
Ayon kay Marcelo, sa ngayon, hinihintay pa anya nila ang mga saksi upang magawan ng artist sketch ang mga suspect.
Bukod pa anya dito ang kuha ng mga CCTV sa lugar na maaaring makapagbigay linaw sa pagkakakilanlan ng mga salarin na maaari nilang magamit sa imbestigasyon.
Si Bernardo, 44, media patroller ng DWIZ at kolumnista ng pahayagang tabloid at residente ng Doña Ana St., Brgy. Camarin, Caloocan City ay pinagbabaril ng isa sa dalawang lalaking naka-motorsiklo habang nakatayo sa harap ng isang fastfood sa Zabarte Road, Barangay Kaligayahan, ganap na alas-9:24 noong Sabado ng gabi.
Sinasabing magpaparada sana ng kanyang motorsiklo ang biktima sa lugar nang maganap ang nasabing pamamaslang.
Bukod kay Bernardo, isang Marlon Deonio, 23, ng no.28 Acacia St., Maypajo Village, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod ang nasugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala. Siya ay nakaratay ngayon sa FEU hospital.
Samantala, mariin namang kinondena ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang panibagong kaso ng media killing sa Pilipinas.
Ayon kay Vargas, hindi dapat hayaan o kunsintihin ang anumang uri ng karahasan laban sa mga mamamahayag.
Babala pa nito, kung patuloy na napapatay ang mga kagawad ng media, hindi malayong mangyari rin ito sa mga ordinaryong tao.
Matatandaan na noong Sabado ng gabi pinaslang ng isang gunman si Jose Bernardo, volunteer reporter ng DWIZ, sa harap ng isang restaurant sa Barangay Kaligayahan, Quezon City.
Kinalampag naman ni Vargas ang Quezon City Police District at kaukulang otoridad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso at resolbahin ito sa lalong madaling panahon.
Si Bernardo na ang ika-tatlumpu’t dalawang media practitioner na napaslang sa ilalim ng termino ni Pangulong Noynoy Aquino, habang ikatlo naman sa lungsod ng Quezon.
- Latest