Re-routing sa Metro Manila, ipapatupad ngayong Undas
MANILA, Philippines – Magpapatupad ng re-routing scheme, one side at no parking policy sa ilang mga lugar sa Metro Manila ngayong Undas.
Kabilang sa magpapatupad ng rerouting scheme ay ang pamahalaang lungsod ng Las Piñas, Taguig at Parañaque.
Sa area ng Las Piñas, ipatutupad ang rerouting scheme, one-side at no parking policy sa kahabaan ng Tramo Road mula Zapote hanggang E. Aldana at C-5 Road. Mula Barangay CAA-BF Int’l., babagtas ng J. Aguilar Avenue papuntang Naga Road (Barangay Pulanglupa I), kanan ng Tramo at labas ng C-5 Rd., patungong Golden Haven at Manuyo Cemetery.
One-side parking policy din sa kahabaan ng Tramo mula Barangay Zapote hanggang Barangay Manuyo I at no parking policy naman sa P. Diego Cera Avenue mula Pulanglupa I hanggang Manuyo I at hindi papayagang makapasok ang mga sasakyan sa mga simenteryo para hindi ito makaabala sa mga taong magtutungo sa mga kaanak nilang namayapa.
Bukod dito, ayon kay Las Piñas City Mayor Vergel “Nene” Aguilar, maglalagay ng mga police assistance desks, emergency medical station at composite team na pamumunuan ng Las Piñas Disaster Risk Reduction and Management Office (LPDRRMO) sa mga simenteryo.
Sa Taguig City, pinayuhan naman ang mga motorista na magtutungo sa mga simenteryo na gumamit ng mga alternatibong ruta para hindi maabala.
Ang mga alternatibong ruta ay ang Ususan at General Luna St., patungong Santa Ana Manuel L. Quezon St., patungong Bagumbayan mula alas-6:00 ng umaga ng Nobyembre 1 hanggang alas-5:00 ng hapon ng Nobyembre 2.
Kung saan ang kahabaan ng Bagong Calzada-Tuktukan Road ay sarado sa mga motorista.
Sa Parañaque naman, ipatutupad din ang re-routing sa kahabaan ng Dr. A. Santos Avenue (formerly Sucat Road), kung saan matatagpuan doon ang dalawang malalaking pribadong simenteryo, ang Manila Memorial Park at Loyola Memorial Park.
Gayundin sa pampublikong simenteryo, na matatagpuan sa Palanyag, Barangay San Dionisio ng naturang lungsod.
- Latest