LRT-1 at MRT-3, magkasunod na nagkaaberya
MANILA, Philippines - Muli na namang naabala at nainis ang maraming bilang ng mga pasahero ng Light Rail Transit (LRT-1) at Metro Rail Transit (MRT-3) dahil sa magkasunod na pagkakaroon ng aberya sa kanilang biyahe, kamakalawa ng gabi.
Nabatid mula sa pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na unang tumirik ang isang bagon ng LRT-1 sa Central Station dakong alas-4:30 ng hapon habang patungo ito ng Baclaran.
Napilitang pababain ang mga pasahero sa kabila ng rush hour upang hindi na lumikha pa ng disgrasya dahil pansamantalang itinigil ang
biyahe hanggat hindi naibabalik sa depo ang nagkaproblemang tren.
Dakong alas-7:00 naman ng gabi nang magkaroon ng aberya ang isang bagon ng MRT-3 habang bumibiyahe ito sa southbound lane ng Ortigas Station.
Pinababa rin ang mga pasahero at ibinalik sa MRT-3 depo sa North Avenue station ang tumirik na tren.
Pero habang ibinibiyahe ay muling nagkaproblema ang bagon sa bahagi ng Cubao station, kaya naantala rin ang biyahe ng mga kasunod na tren.
Ang LRT-1 ay bumibiyahe sa Roosevelt Avenue sa Quezon City patungo ng Baclaran Parañaque at vice versa habang ang MRT-3 ay North Avenue, Quezon City patungo ng Edsa, Pasay City at vice versa.
- Latest