Killer ng ex-Masbate mayor, todas sa loob ng Bilibid
MANILA, Philippines – Patay ang isang preso na sangkot sa pagpaslang sa dating alkalde ng Masbate matapos itong pagbabarilin at paluin sa ulo ng kanyang kakosa sa loob ng Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City kamakalawa.
Dead-on-arrival sa NBP Hospital ang biktimang si Charlie Quidato, miyembro ng Commando Gang at nakapiit sa Dorm 9, D-2, ng Maximum Security Compound sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa dibdib buhat sa Magnum 357 at matinding palo sa ulo. Ang naturang biktima ay dating Masbate Jail Warden, na nahatulan sa kasong murder matapos itong masangkot sa pagpatay kay dating Masbate Mayor Moises Espinosa.
Inilagay na sa bartolina o isolation area ang suspek na si Ronald Catapang, kasamahan ni Quidato sa Commando Gang at may kaso ring murder. Ayon kay Monsignor Roberto Olaguer, tagapagsalita ng NBP, naganap ang
insidente alas-5:20 ng hapon sa loob ng Dorm 9 D-2 ng Maximum Security Compound ng bilangguan.
Bago naganap ang pamamaril, inutusan umano ni Quidato si Catapang na batuhin ng granada ang mga preso na nagmi-meeting na pawang mga
miyembro din ng Commando Gang, na malapit lang sa kanilang selda. Tumanggi at hindi sumunod si Catapang sa utos ni Quidato hanggang sa nagtalo ang dalawa na nauwi sa mainitang komprontasyon.
Dito na umano dumampot ng kahoy ang suspek at pinalo sa ulo ang biktima hanggang sa nawalan ito ng malay.
Hindi pa umano nasiyahan si Catapang sa pagpalo sa ulo ni Quidato, kinuha pa nito ang isang Magnum 357 at pinaputukan ng dalawang beses
si Quidato na duguan itong bumulagta.
Matapos ang insidente ay agad na lumabas ng Dorm 9 si Catapang na naglakad patungo sa tanggapan ng Security Respond Unit (SRU). Subalit pagdating nito sa SRU office, sinabi nitong isusuko niya ang isang baril ngunit wala naman itong dalang baril kundi isang improvised deadly weapon ang kanyang bitbit.
Habang nasa loob ng SRU office si Catapang isang preso na kasamahan nila ang nagsabi na binaril at pinatay nito si Quidato sa loob ng kanilang bilangguan.
Kaagad namang nagsagawa ng search operation ang mga tauhan ng NBP sa loob ng kulungan ni Quidato, na kung saan nakumpiska ang 16 na iba’t-ibang uri ng baril kabilang ang dalawang 9mm pistol, 22 kalibre, 11 improvised deadly weapons, 3 balisong, isang granada at isang yellow pad na may listahan ng droga.
Bukod pa dito hinalughog din ng mga prison guard ang silid ni Quidato na kung saan isang vault ang kanilang nakita na naglalaman ng 11 makakapal na kuwintas, 7 pirasong gold na singsing at 4 bank passbook.
Base sa rekord ng NBP, si Quidato ay kabilang sa limang akusado, na nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa Manila Regional Trial Court sa pamumuno ni Judge Rosalyn Mislos-Loja, ng Branch 41 noong Abril 26, 2012 hinggil sa kasong pagpatay kay Espinosa noong Agosto 9, 2001 sa Barangay Bantique, Masbate. Naaresto si Quidato noong Agosto 2011 kasama ang kanyang kapatid na si Isagani na dating jail officer at apat pa sa kanilang lalawigan.
- Latest