Matapos ang filing ng COC, trabaho sa konseho tututukan pa rin ni Isko
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Vice Mayor Isko Moreno kanya pa ring gagampanan ang kanyang tungkulin bilang bise alkalde ng lungsod gayundin ang pagiging presiding officer ng city council.
Ang paniniyak ay ginawa ni Moreno sa kabila ng kanyang katatapos lang na deklarasyon ng pagtakbo sa Senado sa May 2016. Ayon kay Moreno, kailangan pa rin niyang asikasuhin ang kanyang mga obligasyon bilang bise alkalde dahil kapakanan ng Manilenyo at Maynila ang nakasalalay dito.
May nakalaan namang panahon para sa pangangampanya kaya’t hindi umano niya maaaring gamitin ang kanyang oras para sa pagdinig ng mga nakabinbing ordinansa at resolusyon sa konseho.
Samantala, sinabi rin ni Moreno na posibleng hindi pa niya panahon na tumakbo sa pagka-alkalde lalo pa’t bumubuti ngayon ang lagay ng lungsod sa ilalim ni Manila Mayor Joseph Estrada. Umapela rin ito sa mga taga Maynila na magtiis ng konting panahon at tulungan ang mga city officials upang maisakatuparan na ang tunay pagbabago ng lungsod.
Hindi naman umano makikita ang pagbabago sa isang iglap lamang.
- Latest