3 miyembro ng ‘Ipit gang’, timbog

MANILA, Philippines – Tatlong kilabot na holdaper na miyembro ng ‘Ipit Gang’ ang nadakip ng pulisya matapos mangholdap ang mga ito sa isang pampasaherong bus, kahapon ng madaling araw sa Makati City.

Sa ulat na isinumite ni Senior  Inspector Anthony Bagsik, commander ng Police Community Precinct (PCP) 4 kay Senior Supt. Ernesto T. Barlam, hepe ng Makati City Police, kinilala ang mga suspect na sina Danilo Rosales,  22; Chester Gines, 29 at Jay Martinez, 32, pawang ang mga ito ay taga Sta. Mesa, Maynila.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Danilo Ortega, ng Theft and Robbery Section, Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, naganap ang insidente alas-12:52 ng madaling-araw sa Jackpherlyn air con bus (TXX-288).

Napag-alaman na bina­bag­tas ng naturang pampasaherong bus ang kahabaan ng EDSA at pagsapit sa kanto ng Evagelista St., Brgy. Bangkal ay biglang nagdeklara ng holdap ang mga suspect na nagpanggap na mga pasahero.

Ang naturang insidente ay kaagad na naitawag sa himpilan ng Makati City Police na mabilis namang naka­pagresponde kasama ang mga kagawad ng MMDA at mga barangay tanod at hinabol ang naturang bus na sinaksakyan ng mga suspect.

Nagresulta ito sa pagkaka­dakip sa mga suspect at ka­agad na dinala sa himpilan ng pulisya.

Show comments