MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Manila Mayor Joseph Estrada at Buddhist monks ang ikalimang taong paggunita sa Luneta hostage crisis na ikinasawi ng walong turista mula sa Hong Kong noong Agosto 23, 2010.
Ayon kay Estrada, mahalagang alalahanin ang araw kung kailan naganap ang insidente dahil pagbi-bigay ito ng halaga sa mga Chinese na nakakatulong din sa ekonomiya ng bansa.
Nais lamang aniyang ipakita sa mga Chinese at iba pang turista na nalulungkot siya sa sinapit ng mga Hong Kong nationals kaya’t minarapat niyang humingi ng tawad noong isang taon kasama si Manila 3rd District Bernardito Ang.
Minarapat ni Estrada at Ang na magtungo sa Hong Kong upang personal na humingi ng tawad sa mga pamilya ng biktima.
Si Ang din ang nangasiwa sa Day of Prayer na isinasagawa kahapon sa Luneta Grandstand na dinaluhan ng Chinese Consul at iba’t ibang Chinese Business Club.
Sinabi naman ni Ang na umaasa siya na taun-taon na itong gagawin ng city government sa kabila ng pagbabago ng administrasyon. Aniya, resolution lamang ito ng konseho at maaaring ipatigil anumang oras.