2 BI officer, Korean sabit sa extortion
MANILA, Philippines – Inireklamo ng isang liaison officer ang dalawang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na bumitbit at nangotong sa kanya ng halagang P50,000 noong Agosto 13.
Nagtungo sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) si Nilo Mendiola, 41, liaison officer ng Wayfair Tours upang ireklamo sina Perpetuo Macasa Jr., investigator ng Civil Security Unit ng BI; Tootsie Magcalas, deputy supervisor ng Head Operations ng BI; at Koreanong si Park Dae Dong.
Ayon kay Mendiola, naghain siya ng reklamo sa pu-lisya dahil sa pangambang muli siyang arestuhin at hingan pa ng kakulangang P190,000 ng dalawang BI officer. Paliwanag ni Mendiola wala umano siyang partisipasyon sa reklamo ni Park.
Sa salaysay ni Mendiola, noong Agosto 13 dakong alas-4 ng hapon nang dalhin siya ng dalawang BI officer sa Civil Security Unit office kaugnay sa reklamo umano ni Park na kinunan siya ng P200,000 ng isang ‘Gaudencio Aquino’ para sa pagproseso ng visa.
Sa kabila umano ng pagtanggi na wala siyang kinalaman sa transaksiyon ng dayuhan, sinabihan siya na makukulong kung hindi magbabayad ng P100,000.
Noon pa umanong Abril 3, 2014 ang reklamo ni Park laban kay Aquino at wala siyang partisipasyon at katunayan aniya, ay nakapag-renew na siya ng accreditation permit dahil wala siyang kinasasangkutang reklamo. Balido umano ang permit hanggang Hunyo 30, 2016.
Subalit dahil na rin sa takot at harassment, napilitan si Mendiola na magbigay ng P50,000 kung saan Agosto 20 naman niya dapat na ibigay ang P100,000 at karagdagang P90,000 sa Setyembre 3.
- Latest