14-anyos patay sa suntok ng kaklase

STAR/File photo

MANILA, Philippines – Patay ang isang 14-taong gulang na estudyante dahil sa suntok ng kanyang kaklase na sinasabing nayabangan sa kanyang porma sa Marikina City.

Kinilala ni Senior Supt. Vincent Calanoga, hepe ng Marikina police ang biktima na si John Allen Salvador, 14, grade 8 sa National Christian Life College (NCLC) sa Marikina City, na nakatira sa Sta. Barbara, San Mateo, Rizal.

Ang suspek na itinago sa pangalan Allan, 15 ay nasa kustodiya na ng Department of Social Walfare and Deve­lopment (DSWD) sa Marikina

Sa ulat ng pulisya, nabatid na ang insidente ay naganap Biyernes ng alas-5:00 ng hapon sa labas ng paaralan sa E. Mendoza St., Brgy. Sto.Niño sa lungsod.

Ayon sa report, papauwi ang dalawa kasama ang iba pang kaklase nang magkaroon ng pagtatalo dahil nayabangan umano ang suspek sa pagiging maporma ng biktima.

Sinasabing sinuntok ng suspek ang biktima sa kanyang kanang ulo na siyang dahilan upang magkaroon ito ng bukol pero hindi nito gaanong pinansin sa halip ay maayos pa ring umuwi sa kanilang tahanan.

Ilang oras ang lumipas ay sumakit ang ulo ng biktima kaya isinugod ito ng kanyang mga magulang sa  Amang Rodriguez Memorial Medical Center at doon nabatid na nagkaroon ng hemorrhage o pamumumuo ng dugo sa kanyang ulo.

Matapos ang dalawang araw sa pagamutan ay nalagutan ng hininga ang biktima sa ARMMC kaya nagharap ng reklamo sa himpilan ng pulisya ang mga magulang ng biktima at dinakip ang suspek saka itinurn-over sa DSWD.

Show comments