MANILA, Philippines - Isang mister ang nagtirik muna ng kandila para sa kanyang sarili bago nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa loob ng kanilang tahanan sa Pasig City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ernesto Calderon, 46, may-asawa, ng F. Banaag St., Bgy. Pineda sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO2 Higino Dancel, ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) nadiskubre ang bangkay ng biktima dakong alas-12:30 ng madaling araw ng misis nito na si Julieta, 40, negosyante at ng kanilang anak na si Yushavel Julieth,17 na nakabigti ng nylon cord na nakatali sa grills ng bintana.
Ayon kay Julieta, may nilakad sila ng kanyang anak at pagbalik nila sa kanilang tahanan ay napansin nilang may kakaiba sa loob ng bahay dahil naka-locked ang mga pintuan at wala rin ilaw. Sa kabila ng kanilang pagkatok at walang sumasagot ay binuksan na ito sa pamamagitan ng duplicate key.
Pagpasok sa loob ay binuksan ng mag-ina ang mga ilaw pero hindi gumana at kanilang naaninag ang kandilang nakasindi sa ikalawang palapag. Pag-akyat ng mag-ina ay doon nila nakita ang biktima na nakabigti at wala ng buhay malapit sa nakasinding kandila.
Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang pulisya kung ano ang nagtulak sa biktima para kitilin nito ang kanyang buhay bagamat inamin ng misis nito na una na ring nagtangkang magpakamatay ang biktima noong nakaraang Enero.
Samantala,nag-suicide rin si Lolito Siong, 35, ng no. 752 Metrica St. Sampaloc, sa pamamagitan ng paglaslas ng sariling pulso gamit ang shaver.
Hindi na naisalba sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Siong ayon kay SPO1 Charles Duran ng Manila Police District-Homicide Section, nang dalhin ito dakong alas 7:30 ng gabi ng Sabado. Laslas sa kaliwang pulso ang nakita sa biktima na naging sanhi ng kamatayan.
Nabatid na maliligo umano ang biktima at inutusan nito ang anak na si Jun-jun, 14-anyos na iabot sa kaniya ang shaver bago ito pumasok sa banyo.
Lumabas muna ng bahay ang anak at nagbalik din ito, hindi nagtagal ay nakita ang ama na nakahandusay sa banyo at duguan kaya ipinabatid agad sa ina na si Sarah na nagsugod naman sa pagamutan kung saan hindi na umabot ng buhay.
Pinaniniwalaang depression dahil sa sakit sa kidney at puso ang nagtulak sa biktima para pagpapatiwakal. (Ludy Bermudo)