MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondisyon ang isang babaeng flower arranger sa Dangwa Market na sinasabing ‘informer’ ng mga pulis at National Bureau of Investigation (NBI) makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa isang eskinita sa tapat ng kanilang bahay sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Ginagamot sa University of Sto. Tomas Hospital ang biktimang kinilalang si Rowena Zaragosa, alyas Weng, residente ng Ma. Clara St., Sta. Cruz, Maynila.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Rogelio Magpantay ng Manila Police District-station 3, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang barilin ang biktima habang ito ay nasa labas ng kanilang bahay.
Sumulpot umano ang isang motorsiklo na hindi naplakahan sakay ang dalawang lalaki saka agad na pinagbabaril ang biktima.
Matapos ito mabilis na tumakas ang mga suspect sa direksiyon ng Lacson St., sa Dimasalang.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng kalibre .45.
Sa impormasyon mula sa kaanak ng biktima, may isang kakilala umano na nagtungo sa bahay ng biktima at may isang lalaki umano na nakasuot ng jacket naman ang sunod nang sunod.
Lingid umano sa kaalaman ng biktima ay may nakapansin na pabalik-balik ang lalaking nakasuot ng jacket hanggang sa makita na ang kakilala ng biktima ay kausap na umano ng sumusunod na lalaki.
Nabatid na ang biktima ay police at NBI asset sa mga operasyon laban sa iligal na droga.