Motorsiklo, kotse nasalpok Vandolph nasangkot na naman sa aksidente
MANILA, Philippines - Muli na namang nasangkot sa aksidente ang aktor na si Vandolph Quizon matapos umano nitong masalpok ang isang motorsiklo at isang kotse na ikinasugat ng isang rider, kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Ariel Andrade, hepe ng Parañaque City Police kinilala ang sugatang si Michael Pereira, 40, ng Victory Avenue, Tatalon, Quezon City.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente alas-8:30 ng umaga sa harapan ng PAGCOR sa North bound ng kahabaan ng Ninoy Aquino Avenue, Brgy. Santo Niño, Parañaque City.
Nabatid na minamaneho ni Vandolph ang kanyang Toyota Fortuner ( UOO-707) at habang binabagtas nito ang naturang lugar ay biglang na-flat ang gulong ng kanyang sasakyan hanggang sa hindi na nito nakontrol ang kanyang preno.
Dahil dito, sumalpok ito sa center island at napatawid sa kabilang lane at nasalpok ang bumabagtas namang Yamaha Sniper (3224-PL) na minamaneho ni Pereira at isang Toyota Hi-Lux, ( WTB-519 ) na minamaneho naman ni Leonardo Tapino, 48, ng Sampaloc, Manila.
Dahil sa insidente ay nagresulta ito nang pagkasugat ni Pereira, na nasira din ang motorsiklo, gayundin ang sasakyan ni Tapino.
May sira rin ang sasakyan ng naturang aktor dulot nang pagkakasalpok nito sa nabanggit na mga sasakyan at hindi naman ito nasugatan. Iniimbestigahan pa ang naturang insidente.
Matatandaan na noong Nobyembre 21, 2007 ay nasangkot ang naturang aktor sa aksidente na ikinasawi ng dating nobya nito.
- Latest