Isko, Meralco kapitbisig vs ‘jumper’
MANILA, Philippines - Matapos na maging dahilan ng sunog noong Martes, pinangunahan ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang pamumutol ng mga ‘jumper’ ng kuryente sa Parola Compound, sa Tondo, Maynila.
Kasama sina Manila Electric Corporation (Meralco) Supervisor Chito Luna at si Manila City Electrician Engr. Jojo Algonera, pinutol ang mga kawad ng kuryente na ilegal na nakakonekta na madalas na nagiging dahilan nang pag-ooverload at pagsabog na nagdudulot na sunog katulad ng nangyari sa sunog na naganap sa Gate 1 ng Parola Compound.
Ayon kay Moreno, kailangan na gawin ang tama at legal ang mga koneksyon ng kuryente upang ang sunog ay maiwasan.
Base aniya sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) illegal connection at faulty wiring ang sanhi ng sunog na sumiklab noong Martes na ikinasunog ng may 20 kabahayan.
Umapela si Moreno sa mga residente ng Gate 1 Parola Compound na gawing legal ang pagpapakabit ng kuryente dahil mas malaki ang mawawala sa kanila kung matutupok lamang ng apoy ang kanilang pinaghirapan.
Ipinaliwanag ni Moreno na nagkasundo na sila ng Meralco na gawing tig- 10 na lamang ng kawad ng kuryente kada bundle upang maiwasan na magdikit-dikit ang kawad.
Tiniyak pa ng bise alkalde na hindi matatapos ang pagsugpo ng city government laban sa mga illegal connection sa kabila na may isa nang tauhan ng Meralco ang binaril at napatay dahil sa pagtatanggal ng ‘jumper’.
- Latest