MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kahandaan na susuko ang pulis na nakapatay ng 2-anyos na batang babae na tinamaan ng ligaw na bala matapos magwala at magpaputok ng kanyang service firearm ang una nang malaman nitong binaril ang kanyang kapatid na isa rin pulis sa Pasig City noong Lunes.
Ayon kay PO3 Rodelio Olalia, imbestigador ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) ng Pasig Police na siyang may-hawak ng kaso, nagpasabi na umano ang isang miyembro ng pamilya ng suspek na si PO3 Reynante Cueto, na anumang araw ay susuko na ito para harapin ang kanyang kaso.
Si PO3 Cueto ay nakatalaga sa Police Security and Protection Group (PSPG) sa Camp Crame, ay siyang nakabaril at nakapatay sa biktimang si Anna Maris Abayon, 2-anyos ng Magdalena Homes Baltazar St., Brgy. Sto, Tomas, Pasig City.
Tinamaan ng ligaw na bala sa ulo ang bata na noon ay nakasilip sa kanilang bahay na siyang dahilan ng kanyang kamatayan matapos na mag-huramentado at lima hanggang anim na beses na magpaputok ng kanyang baril si PO3 Cueto noong malaman niyang binaril ng dalawang drug pusher ang kanyang kapatid na si PO2 Jayson Cueto, na nakatalaga sa QCPD Station 8.
Si PO2 Cueto ay nasawi kamakalawa ng hapon sa Rizal Medical Center habang pinagtutulungan gamutin ng mga doktor sanhi ng tinamong isang tama ng bala na bumaon sa kanyang ulo.
Ang dalawang drug pusher na sinasabing bumaril kay PO2 Cueto na ngayon ay tinutugis na rin ng pulisya ay nakilalang sina Datumandog Boratong alyas ‘Andog’ at isang alyas ‘Itlog’, kapwa residente ng #332 Magdalena Homes Baltazar St., Brgy. Sto. Tomas, Pasig City.