Sticker sa mga pedicab, kuliglig kinumpiska
MANILA, Philippines - Kinumpiska ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Manila Tricycle Regulatory Office ang mga sticker na nakalagay sa mga pedicab, kuliglig at tricycle na bumibiyahe sa Maynila.
Paliwanag ni MTPB Director Carter Don Logica, walang anumang pribilehiyo ang mga sticker na nakakabit sa three-wheel vehicle na pumapasada sa lungsod.
Aniya, huhulihin pa rin ang sinumang pedicab, kuliglig at tricycle na lalabag sa traffic regulations.
Nabatid na umaabot sa 40 piraso ng sticker ang nakumpiska ng MTRO matapos na isagawa ang operasyon laban sa pagkalat nito.
Posible umanong may nagpoproteksiyon sa mga drivers ng three-wheel vehicle kapalit ng mga sticker at pangakong walang huli.
Ayon naman kay Manila Vice Mayor Isko Moreno, ang operasyon ay isinagawa bunsod na rin ng mga reklamo mula sa mga pangulo ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Sinabi ni Moreno na hindi umano proteksiyon ang mga sticker mula sa mga huli bagkus ay nagpapaliit pa ng kanilang mga kita.
Payo ni Moreno, mas mabuting magparehistro na lamang ang mga driver upang maging lehitimo ang kanilang pamamasada kasabay ng pagsunod sa batas.
Dagdag pa ni Moreno, madadagdagan pa ang bilang ng mga nakunan ng sticker.
- Latest