Araw-araw na aberya sa MRT

MANILA, Philippines - Halos araw-araw na lang nagkakaroon ng aberya sa biyahe ng  Metro Rail Transit (MRT-3).

Muli na naman itong nagkaaberya kahapon at ito ang ika­apat na araw na nangyari ang ganitong problema sa linggong ito.

Ayon kay MRT-3 General Manager Roman Buenafe, dakong alas-5:55 ng madaling-araw nang biglang huminto ang tren sa bahagi northbound ng Ortigas Avenue Station dahil sa ‘automatic brake activation.

Sinabi ni Buenafe, napilitan ang operator ng tren at iba pang personnel ng MRT-3 na pababain na lamang ang mga sakay nitong pasahero at ilipat sa kasunod na tren.

Matatandaang nitong Lunes ay apat na ulit na nagkaaberya ang MRT-3 dulot ng pagpalya ng preno, pagkawala ng power supply, at static converter.

Noong Martes naman ay tatlong ulit na nagkaaberya ang mga tren ng MRT-3 bunsod muli ng problema sa preno na nagresulta pa para masaktan ang tatlong pasahero nito.

Bago mag-alas-6:00 naman ng umaga nitong Miyerkules nang magkaroon ng panibagong aberya ang MRT-3 dahil sa kulang na power supply, sa Taft Avenue Station northbound.

Ang MRT-3 ang siyang nag-uugnay sa North Avenue sa Quezon City at Taft Avenue sa Pasay City via Epifanio delos Santos Avenue.

Show comments