Bata durog sa tren, kalaro putol ang paa

MANILA, Philippines – Lasog ang isang 12-anyos na batang lalaki nang masagasaan ng tren ng Philippine National Railways (PNR) habang isa pang lalaking kalaro umano nito ang nahagip din at naputulan ng binti, sa bahagi ng Paco, Maynila, kahapon ng hapon.

Labas umano ang utak at lasog ang katawan ng biktimang kinilala lamang sa pangalang Boboy Balan, pinaniniwalaang nakatira sa tabi lamang ng riles at kaibigan nitong si Stephano Fernandez, 12, residente ng Brgy. 800 Zone 87 sa Paco.

Sa inisyal na ulat ng MPD-Station 6, bandang alas-2:10 ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa riles ng tren, ilang hakbang mula sa panulukan ng Osmeña Highway at Pres.Quirino Avenue sa Paco.

Batay sa naging salaysay ng mga miron o tambay sa lugar, ang tren na mula sa south ay mabilis ang pagtakbo at hindi umano nagbusina, bukod pa sa lumihis umano ng daraanan, sa halip na ang isang railway ay ginamit na daanan, ang dapat na pa-south-bound, sa halip na north-bound.

Sanay na umano ang mga tao sa lugar na kung saan daraan ang tren kaya nagulat sila nang biglang nag-iba ng salida o daan nito patungo sa Tutuban.

Nabatid na dinala sa Phil. General Hospital si Fernandez na naputulan umano ng binti.

Show comments