Van vs truck, 5 sugatan
MANILA, Philippines – Lima katao ang sugatan makaraang magsalpukan ang isang truck at closed van sa may Barangay Laging Handa, lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat, ang mga sugatang biktima ay nakilalang sina Joseling Robles, driver ng elf close van; Ronnie Pedelino, Randy dela Cruz, mga pahinante ng van; Joel Macababayao, driver ng garbage compactor truck, at Robert Rodel, pahinante ng truck.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Roces Avenue, corner Scout Tobias, sa lungsod ganap na alas-4:55 ng madaling araw.
Sinasabing binabaybay ng closed van na may kargang gulay at prutas ang northbound lane ng Roces Avenue nang biglang makasalpukan nito ang truck na tatawid sana sa Roces Avenue galing ng Scout Tobias.
Nagtamo ng mga sugat at galos sa katawan ang mga biktima na agad namang tinulungan ng mga barangay tanod na sina Antonio Pastor, Nestor Luna, Emmanuel Tolentino at Ricardo Laxamana, at isinugod sila sa East Avenue Medical Center para malapatan ng lunas.
Samantala, nagsasagawa na ng pagsisiyasat ng traffic police upang matukoy kung sino ang may pananagutan sa nasabing insidente.
- Latest