MANILA, Philippines - Upang makatulong na maibsan ang trapik sa Metro Manila, nagdagdag ng bike sharing program ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Pinangunahan ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang naturang proyekto mula Raja Sulayman hanggang Burgos Avenue, Roxas Boulevard, Maynila.
Nabatid na ang pagbubukas na panibagong bike sharing program sa naturang lugar ay upang hikayatin ang publiko na ugaliin ang pagbisikleta bilang isang uri ng ehersisyo.
Sinabi ni Tolentino na ito aniya ay magandang benepisyo para sa physical at mental health at bukod sa makakatipid ay nakakabuti pa ito sa environment.
Bukod dito, bahagi pa rin ito ng paghikayat ng ahensiya na gamitin ang bisikleta bilang alternatibong transportasyon laban sa problema ng trapiko sa Metro Manila.
Sa ilalim ng bike lane project, ang mga gustong gumamit ng bisikleta ay pumunta lamang sa nakatalagang bike shelters ng ahensiya upang dito humiram ng bisikleta ng libre.
Kailangan lamang mag-iwan ng valid ID para makahiram ng bisikleta. Una na ring nagbukas ang MMDA ng bike sharing project sa bahagi ng EDSA gayundin sa Katipunan.