Nakasagasa na, nanaksak pa
MANILA, Philippines – Nagsasagawa ngayon ng malawakang manhunt operation ang Manila Police District laban sa isang lalaki na nanagasa ng isang bata at sumaksak pa sa tatay ng huli, kamakalawa ng gabi sa Gagalangin, Tondo.
Si Abet Bagaya, ng Danganan St. Gagalangin, Tondo, Maynila ang itinuturong suspek sa pananaksak kay Jose Nelson Yu, 47, driver, ng Gagalangin, Tondo, Manila at sa anak nito.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO1 Ronaldo Delos Arcos na alas-10:15 ng gabi kamakalawa nangyari ang insidente kung saan naglalakad ang biktimang si Yu kasama ang anak sa Pag-asa St. nang masagasaan ng humaharurot na motorsiklo na minamaneho ni Bagaya.
Bunsod nito, natumba at nasugatan ang anak ni Yu dahilan upang ireklamo ng huli ang suspek sa barangay hall. Hindi inakala ng biktima na sa kanyang paglabas sa barangay hall ay agad siyang sasalubungin ng saksak ng suspek.
Sa kabila ng pakiusap ng biktima sa suspek ay inundayan pa rin ng saksak ng suspek ang biktima sa leeg, ulo at likod hanggang sa bumagsak ang una. Agad namang naidala sa Tondo Medical Center ang biktima kung saan nasa maayos na itong kalagayan.
- Latest