Suporta sa ‘Fallen 44’ 60 katao nagprotesta, nagpakalbo
MANILA, Philippines – May 60 katao mula sa iba’t ibang sektor ng magsasaka at transportasyon ang nagpakita ng simpatiya sa tinaguriang ‘Fallen 44’ o miyembro ng Special Action Force na nasawi sa Mamasapano, Maguindanao sa pamamagitan ng pagpapakalbo sa harap ng Camp Crame, Lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ayon sa grupo, ang kanilang ginawa ay upang ipabatid sa pamahalaang Aquino ang kanilang pakikiisa sa hinihinging hustisya ng mga pamilya ng nasawing SAF members. Alas-6 ng umaga nang simulan ng grupo kasama si dating Candaba Mayor Jerry Pelayo ang pagpapakalbo sa Gate 1 ng Camp Crame, kung saan nakahilera ang mga upuan at isa-isang tinabas ng barbero ang kanilang mga buhok.
Sabi ni Pelayo, nais lamang nilang mapansin sila ng pamahalaan upang bigyang-linaw ang mga tanong hinggil sa naganap sa Maguindanao na ikinasawi ng mga miyembro ng SAF.
Giit nila, kailangan anyang malaman ng taumbayan ang katotohanan kaugnay sa nasabing insidente at kung sino ang dapat na managot na opisyal ng pamahalaan kaugnay dito.
Nais din nilang malaman kung ang mismong si suspended PNP director General Alan Purisima nga ang nagmando sa naturang operasyon.
Bukod sa naturang pagkilos, nag-alay din ng bulaklak at nagsindi ng kandila ang grupo. Mayroon din silang itinayong malaking krus na may itim na tela sa harap ng Gate 1 ng Camp Crame bilang tanda ng pakikiisa nila sa pakikidalamhati sa pamilya ng mga nasawing pulis.
- Latest